Tuesday, June 2, 2009

Ang Nagdodoktorado

Malayo ka pa sa dulo
Ng paglalakbay na sinimulan
Ilang aklat pa ang pagdadaanan
Tungo sa mga bayan ng ibang kamalayan
Para lamang sariling ideya'y matuklasan
Ilang pahina pa ang pupunuin
Ng mga salitang hiram at banyaga
Upang angking boses ay mapakawalan

Pagdodoktorado
Kay hirap at nag-iisa

Nakatitig silang lahat sa iyo
Nag-aabang ng anumang panibago
Habang ang iyong mga galaw
Isa-isang sunusuri't pinupuna
Ayon sa mga sukat na sigurado
Patungo sa kilalang mga landas
Habang hinahanap mo sa iyong kalooban
Ang tiwala sa sariling kataga't paraan

Pagdodoktorado
Kay hirap at nag-iisa

Naniniwala kang ika'y makararating
Sa destinasyong saglit naaninag
Sa ilang sandali ng purong pag-asa
At pagtitiwala sa sarili, sa buhay
Sa kabila ng mga lubak sa daan
Ng mga panahon ng lamig at dilim
Ng pagsalakay ng pagod at duda
Ng pag-andap-andap ng diwa

Pagdodoktorado
Kay hirap at nag-iisa

0 comments:

Post a Comment