Wala siyang kakayahang makipagtuos
Sa mga matang mukhang nagtatanong
Ni sa ngiting anak at pahiwatig ng kabutihan
Kaya naman iiiwas niya ang mukha
Patungo sa lupang nagbibigay tungtungan
O sa langit na malaya sa mga hatol at kutya
Tatakas ba siya o mangangahas lumapit?
Ang una'y kaunting katiyakan ng kawalan ng kahihiyan
Ang huli'y naghihimagsik na tibok ng puso
Sumpong ng nakababaldadong kapansanan
Saglit na pakikipagkilalang muli sa kaligayahan
At maaaring bangungot sa kamalayan
May anino ng kalayaan sa kalayuan
May kasiguruhan sa maingat na pag-iisa
May bakas ng kapayapaang sa sarili lamang natatagpuan
Ngunit alam niyang sa kanya, wala siya. Wala siya.
0 comments:
Post a Comment